Chapter 1 – Ang Simula
Nagsimula tayong hindi magkakilala,
nakasakay sa iisang bus, may nagkekwentuhan,
at ang ibang nakatanaw sa kawalan, maraming tanong naglalaro sa isipan.
Kakayanin ko bang iwan ang pamilya…dating trabaho…maging ang bayang pinagmulan upang makapagturo?
Noong araw na yun, sinimulan natin ang isang paglalakbay
bilang mga gurong magpapabago ng napakaraming buhay.
Bawat isa atin may kanya-kanyang kwento
May galing sa Bicol, Baguio, Benguet, La Union, Cebu, Dumaguete, CDO, Zamboanga, Lanao del Norte, Basilan at ang isa galing pa ng Thailand. May nurse, engineer, journalist, volunteer, bagong graduate at mga dati ng guro. May gustong makapag-silbi… may nais sumubok, at may gustong mahanap ang sarili.
Kaya nga tinawag tayong “most diverse batch of TFP Fellows”… na naging most viral batch din.
Simula pa lang, nakatagpo tayo ng mga karamay at kaibigan.
Hinubog at lumawak ang kaisipan… sa tulong ng mga taong pinakamagagaling sa kanilang larangan
Ngunit, ano mang paghahanda, walang babala ang tunay na hamon ng pagiging guro.
Walang babala sa pagsabi nilang… Andrea Pineda… Numancia Central ES, Siargao!
Kaya ko nga bang ang pamilya…ang maysakit kong ama, para magtuturo sa malayong isla?
Chapter 2 – Ang Unang Taon
Subok lang, sabi ng mga pusong nagtatapang-tapangan.
Sabik tayo sa bagong lugar, paaralan, at karanasan.
Nanibago sa bagong kultura, natuto ng bagong salita.
Sa CDO, natutunan ni teacher tin na ang langgam sa bisaya ay hindi pala langgam, kung hindi isang ibon,
At ang ibig sabihin ng wala ay kaliwa
At isla ng Siargao, kinailangan pa naming matutunan mag cha-cha!
Unang taon, unang pagtuturo.
Ang TV script na dating sinusulat ko, napalitan ng lesson plan.
Hindi lang tayo naging guro,
Nagturo rin tayo ng sayaw, kanta, declamation, teatro, sabayang pag-bigkas, bumuo ng choir, nag compose ng school hymn, ginawang emcee, naging artista, nagpa-fieldtrip, CFL Workshop … nagcocoach ng math, science, journalism , kung-ano-ano pang sports,
at may hinirang pa ngang outstanding teacher… di ba teacher Erwin?
Akala tuloy nila, tayo na ang sagot sa napakaraming problema ng public school.
Pero hindi pala. Hindi pala natin kayang mag-isa.
Pag-tapak sa classroom, sangkatutak na kakulangan pala ang sasalubong
Kakulangan sa libro, kagamitan, silid-aralan… pati na tumutulong bubong.
Ilang beses na ring nagpunas si teacher Arni ng sahig huwag lang mabasa ang mga libro sa library.
Sa Cubao, naranasan na ni teacher Liang na magturo sa corridor ng ilang buwan,
tulad din nila Teacher Kath at Lai, na nagpukpok pa ng mga sirang mesa.
Chapter 3 – Estudyante
At kahit anong ganda ng classroom management mo at leksyon…
May mga batang manununtok, makikipag-away, mumurahin ka at sasabihang walang kwenta.
Yung iba, tatakas pa, pag oras na ng pagbabasa. Titser pa ba ang turing nila?
Sila na nga ang tinutulungan, ikaw pa ang binabalewala.
Pati ang paghawak at paglinis ng suka tuwing may field trip, nagawa mo na.
At sa gitna ng guerra sa silid-aralan o sa labas man,
may isang gurong patuloy na gigising ng maaga, magpupuyat para gumawa ng IMs at lesson plan,
ma-uulanan, magkakasakit, maiinitan.
Tatawid pa ng dagat -kahit naka dextrose- para muling gumaling
Isang gurong handang kalabanin ang labis na lungkot kapalit ng iyong mga ngiti
Isang guro na handang pigilan ang sariling mga luha,
luhang dadalhin mo hanggang sa pagtulog.
Para sa mga estudyante mong napapayuko na lang sa gutom at punit-punit ang suot,
para sa mga batang nilalagpasan ang paaralan para magbenta ng isdang huli ng magulang, mangalakal sa gabi o magbuhat ng mabibigat na case ng softdrinks bilang sideline.
para sa mga estudyanteng walang ng pamilya ulila na sa magulang at laki sa lansangan
para mga batang tinatawag na walang alam, tamad, bulok (surigaonon for ‘bobo’) at bully.
Paano mo nga ba naman, kakalabanin ang kahirapan, kapansanan at husga ng lipunan?
Paano mo nga ba ituturo mo ang pang-uri, ang Philippine history, o Big Bang Theory
kung hindi nito kayang mapawi ang kalungkutan at kalam ng sikmura?
Minsan, akala natin wala lang tayo kanila…pero sila ang dahilan kung bakit tayo nagtuturo…
mga batang nangarap ding maging superhero, tulad ng estudyante ni teacher Lawrence na may brillante ng tubig na nakadrawing sa palad.
Pero ang superhero ng classroom, nauubusan rin ng lakas at nagbalak na ring sumuko.
Lalo na sa oras nang malaman mo na wala na ang ama, kapatid, o kamag-anak mo habang ikaw ay nasa malayo. Nag sorry nga ako na hindi ko pinili ang daddy ko.
Ito ang pagod at sakit na may halaga, mga karanasang nagpatibay sa ating puso.
Chapter 4 – Pag-asa at Pagbangon
At kahit parang wala tayong nagbabago…
Bumangon tayo at hindi nagpatalo.
Tagumpay na kay teacher Dhen ang araw-araw na paggising ng maaga
- ang pagpasok sa klase ng estudyante ni teacher Joyce na laging absent
- ang pagtitiyaga ng mga bata sa kabila ng ulan, pagod, lungkot at gutom
- ang pagpila nila ng maayos
- ang masabihan ka ng “Titser, alam ko na! Salamat” o “mamimiss ka namin ‘cher!”
- ang pagpapakilala ni Teacher Cath sa kulturang Igorot
- ang pagkakaroon ng mga bagong pangarap ng mga bata, na hindi nila naisip noon
- ang pagkapapanalo ng ating mga chikiting sa iba’t ibang larangan
- ang tuwa ng mga magulang sa pagbisita mo sa kanilang tahanan
- ang dagsa ng mga donasyon at tulong sa mga batang dati’y walang lapis, libro, bag, at kwaderno. Ngayon, may health kit pang kasama!
- ang pagatatapos natin sa dalawang taong Fellowship na hindi sumusuko
- ang mga batang nakatagpo ng pamilya at pag-asa… dahil naniwala ka sa galing nila. Mga batang tinuruan nating tulungan ang isa’t isa. Tulad ng pagtuturo ni RK kay Felipe at ni CJ ng Southville sa kanyang mga kaklase.
Dahil ang pagtuturo ay pagmamahal. At ang tunay na pagmamahal ay malaya, sabi nga ni teacher Gab. That is why love is also about letting go.
Ngayon, iiwan natin silang mas makatao, maka-Diyos, makakalikasan at makabansa.
Batang Pilipinong mas nakakaunawa sa iba’t ibang ugali at kultura
Ito ang tagumpay na alay natin sa pamilya at kaibigan
na kahit anong reklamo na natin sa hirap ng pagtuturo,
sila pa rin ang naging sandigan.
Alay ko sa mga magulang ko, ang mga una ko ng guro..ang pagtatapos ko na ito,
na nagsabi sa akin na kailangang tapusin kung ano man ang sinimulan.
Salamat sa mga co-teachers, na minsan na tayong ipinaglaban
at nagbukas ng ating mata sa realidad ng sistema
Sa libo-libong estudyanteng natutong magbasa, at tumindig sa sariling paa
Lagi sana nilang maalala na mahal natin sila.
Sa mga magulang na pinahahalagahan ang edukasyon
Sa bawat partner, donor, paaralan at LGU na naging bahagi ng ating misyon.
Sa mga co-fellows ko, na ngayon ay may panibagong hamon
Sa DepEd at Teach for the Philippines sa tiwala at pagkakataong makatulong.
Higit sa lahat, salamat Panginoon sa bawat ipinagkaloob na biyaya
Dahil sa labang ito, hindi tayo nag-iisa.
At sa mga darating pang taon…
nawa’y patuloy tayong mag-iiwan ng marka para ipaglaban ang edukasyon
para sa bata, para sa bayan.
Bakit nga ba tayo naging TFP Fellow? Bakit nga ba tayo nagtuturo?
Ang sagot pala’y wala sa simula… kung hindi nasa dulo.
Salamat karajaw, Teach for the Philippines. Isang karangalan po ang aming pagtatapos.
Kami’y nagmahal. Nasaktan. Patuloy na magmamahal.
Congratulations, TFP Cohort 2015! Isang mapagpalang gabi po sa inyong lahat.
Andrea Pineda is part of the 2015 Cohort, and completed her 2-year Fellowship commitment in 2017. She taught for two years at Numancia Central Elementary School in Del Carmen, Siargao Islands, Surigao del Norte. Post-Fellowship, she joined the Alumni Ambassadorship Program as part of the DepEd Central Office in Pasig City. She delivered this speech at the 2015 Cohort Graduation in March 2017.