Back to main KUWENTO page

‘Cher Marc: Pabaon

Mga tatlong taon na mula nang matapos ang aking Fellowship sa Teach for the Philippines. Ngayon, nagtuturo na ako sa isang exclusive private school sa San Juan. Araw-araw, dumaraan ako sa mga komunidad na tinitirhan at kinalakhan ng mga dati kong mag-aaral, pauwi man o papunta sa paaralan kung saan ako nagtuturo ngayon.

Walang palya, naiisip ko kung ano na kaya ang ginagawa ng mga dati kong estudyante. Oo, nakikita ko ang mga post nila sa Facebook, na puno ng bugso ng damdaming karaniwang pinagdaraanan ng mga binata’t dalaga. Pero kumusta na kaya sila sa paaralan? Kumusta na kaya sila bilang mga tao?

Sa ikalawang taon ko sa Fellowship, nasa ikapitong baitang na ng Junior High ang mga tinuruan ko sa Paaralang Elementarya ng Cubao. Noong panahon ng pagpapraktis nila sa kanilang pagtatapos sa ikaanim na baitang, naisip ko: hindi ko na sila makikita sa susunod na taunang pampaaralan. Hindi ako class advisor, kaya tumutulong ako sa kung saan ako maitalaga. Ano kaya ang magiging pabaon ko sa kanila paglabas nila ng Cubao?

 

 

Naisip ko ang isa kong mag-aaral na halatang mas matanda na kaysa sa kanyang mga kaklase. Laging tulog. Nalaman kong palagi siyang inaantok sa klase dahil sa gabi, nagmamaneho siya ng tricycle. Isang araw, pagdaan ng jeep sa lansangan malapit sa paaralan namin, nakita ko siyang natutulog sa isang sirang bisikleta na ginawa niyang higaan. Bakit kaya siya nasa labas natutulog? Hindi na ba sila kasya sa loob ng kanilang tahanan? Bakit kailangan niyang magtrabaho?

Palaging sinasabi na lahat ng bata, may mataas na pangarap. Nais nilang tumulong sa pamamagitan ng pagiging doktor, guro, pulis, sundalo. Gusto rin nilang maging artista o model. Pero, para sa mga marami ring nagtangkang abutin ang mga pangarap na ito at nabigo, ano kaya ang meron para sa kanila?

Dito ko itinuon ang atensyon ko sa huling mensahe ko sa kanila.

Humingi ako ng oras mula sa mga class advisor nila. Nang nakuha ko ang oras, ginamit ko ang pagkakataon para ikwento sa kanila ang halaga ng pagkakaroon ng respeto sa kapwa: kilala man nila o hindi.

Sinimulan ko ang mensahe sa pag-uulit ng isang katotohanang alam na rin nila: marami silang pangarap sa buhay. Merong mga makakakamit ito. Meron ding taong lubos na matagumpay at nagiging kilala sa larangang pinili nila. Merong mga may trabahong hindi nila pinili, pero ginagawa pa rin nila, dahil legal ang kanilang hanapbuhay at meron silang dignidad sa pamumuhay. Habang sinasabi ko ito, nasa isip ko ang batang nakakatulog sa gilid ng lansangan matapos ang isang gabing pamamasada sa tricycle.

Sinabi ko sa kanila: kailangan natin ang respeto. Respeto sa mga tao, sa kahit anong sukatan ng tagumpay ang gamit nila. Na ang bawat trabahador at tsuper na nakikita nila, nagtatrabaho para buhayin ang kanilang pamilya. Na sinasalamin ng bawat tagatak ng pawis na tumutulo sa noo nga mga ito ang hirap, dangal, at pagsisikap ng kanilang paghahanapbuhay. Katanggap-tanggap maging ganoon, sabi ko, basta’t marangal ang kanilang ginagawa. Hindi nagnanakaw, hindi nandaraya.

Sinabi ko rin sa kanilang ayokong sabihing tanga sila. Oo, maaring may tamad nga – at aminado sila – pero hindi sila kailanman naging tanga. Hindi naman natin malalaman ang bawat dahilan kung bakit ganyan ang kalagayan nila. Bilang guro, hindi ko man laging naipapakita ang kabaitang hanap nila dahil bahagi ng trabaho ko ang pagdidisiplina sa kanila, may respeto ako para sa kanilang lahat.

 

 

Karaniwang naman sa klase ang mga nagdadaldalan sa likod at sa gilid ng kwarto, pero habang nagsasalita ako, pansin kong nakatutok sila sa mga sinasabi ko. Bihirang mangyari iyon. Nang matapos ako sa pagsasalita, may isang batang lumapit sa akin. “’Cher, salamat at ipinagtanggol mo kami.” Marami rin ang sumang-ayon at napangiti.

Hindi man ako ang naging pinakamagaling nilang guro, basta’t may respeto sila sa bawat nakakasalubong nila, mahimbing na akong makakatulog.

Minsan, nakakasalubong ko ang mga dati kong estudyante sa matataong mga lansangan sa Arayat at sa Cubao. Napapatingin sila, na parang aparisyon ako. “Si Teacher Marc…” May ibang babati at magmamano, katulad ng dati nilang ginagawa sa paaralan. Magkukumustahan, at maglalayo na uli ang mga landas namin. At araw-araw, tinutupad ko ang aking pangako sa kanila.

Ngayon, nasa isang private school ako nagtuturo. Kung mabibigyan ako ng pagkakataong kausapin sila gaya ng nangyari sa Paaralang Elementarya ng Cubao, uulitin ko lang ang aking mensahe. Dahil naniniwala ako na minsan, mapaglaro ang tadhana. Kailangan kong ihanda ang sarili ko na maaaring magkita-kita ang mga naging mag-aaral ko sa pampubliko at pampribadong paaralan. Magkaiba man ang bahay, ang buhay, ang kwento, at ang kwenta – may baon pa rin sila para sa isa’t isa.

Respeto.

 

Marc Lalas is part of the 2014 Cohort of Teacher Fellows. He completed his Fellowship commitment in 2016, and now continues to advocate for life-long learning by molding the minds of elementary students in San Juan City. He graduated with a Bachelor’s degree in Community Development from the University of the Philippines-Diliman.