Matagal ko nang kinakatakot na masilayan ang mukha ng isa sa aming mga estudyante sa kabila ng bintana ng aming sasakyan.
At kanina ay nangyari na nga. Nakita namin ang aming dating estudyante, si Christopher, na pinupunasan ang salamin ng aming sasakyan. Pagkababa namin ng bintana’y nagawa pa niyang magbiro sa amin. Kinausap namin siya sa loob ng 30 segundong pula ang ilaw ng stoplight. Nabigyan namin sya ng gift certificate mula sa jollibee. Sakto may jollibee sa tapat ng kalsada.
Naging berde ang ilaw at kami’y dumerecho na. Tahimik at tulala sa nangyari.
Matapos ang ilang sandali ay nagpasya kaming bumalik at hanapin siya. Balak naming samahan siya sa jollibee at kumbinsihin na muling bumalik sa pag-aaral.
Sa aming pagbalik ay nakita namin siya sa labas ng jollibee, natatago sa likod ng mga nakaparadang motor at nakikipag agawan at nakikipaghati ng pagkain sa 3 pang bata. 1 manok, 1 sofdrinks, 1 kanin, 1 sopas, 4 na bata.
Nadurog ang puso ko. Walang batang dapat makaranas ng ganito. Wala.
Kinausap namin silang apat. Lahat sila ay tumigil na sa pag-aaral. Yung isa, dating honor student na tumigil dahil nagdodroga at nambubugbog ang ama. Yung estudyante namin, gustong bumalik pero walang mag-aalaga sa kanya. Takot na takot siya. Higit pa sa takot ko na makakita ng estudyante naming nanlilimos sa daan.
Tumagal kami sa labas ng jollibee, nakaupo sa sidewalk kasama sila. Bumili pa kami ng karagdagang pagkain para maibsan ang gutom na bakas na bakas sa kanilang mukha’t katawan.
Matapos ang matagal na usapan ay nagpaalam kami sa kanila dala ang kanilang pangako na susubukan nilang bumalik, at ang pangako ni Christopher na bukas na bukas, ay babalik siya sa aming mga silid-aralan.
Ngunit alam kong hindi parin sapat ang lahat ng ito. Ilang buwan na lang ang natitira at walang kasiguraduhang itutuloy niya ang pag-aaral sa susunod na taon. Walang kasiguraduhan na hindi siya mapababayaan ng kanyang mga guro, at higit sa lahat, ng kanyang natitirang pamilya.
Pasensya ka na Christopher at wala akong ibang maialay sa ngayon kundi ang manok ni jollibee at ang pangako ng kaligtasan at bagong kaalaman sa loob ng ating paaralan. Sana talaga bumalik ka tulad ng iyong pinangako kanina, bilang kapalit, pangako namin na hanggang sa abot ng aming makakaya, hindi ka namin pababayaan.
Balang araw, sana’y magawa kong tulungan ka, at mga iba pang tulad mo, na higit pa sa pangako ng notebook at ligtas na silid aralan at magandang edukasyon, higit pa sa chickenjoy, at higit pa sa pagmamahal at pag-aalaga na alam kong nararapat sa mga batang tulad mo.
Hindi ko malilimutan ang araw na ito. Ito. Sila. Sila ang dahilan kung bakit kami andito.
Teacher Miggy currently teaches at SCES in Quezon City. He completes the Fellowship in March 2015 and remains committed to working for education equity.