Back to main KUWENTO page

‘Cher MJ: #MyTFPStory

2014

Marahil isa ako sa napakaraming nagulo ang buhay nang dahil sa TEDx talk ni Sab Ongkiko. Isa pa akong incoming 3rd year ECE student noon nang mapanood ko yun sa isang leadership camp na sinalihan ko. Sabi ni ‘cher Sab, “Kung gusto mong mas makilala ang bansa mo, magturo ka sa public school.” And so I did.

 

2017

Kakagraduate ko lang pero nasabak agad ako sa sinasabing nilang real world. Laking public school naman ako simula elementary hanggang high school kaya ang yabang ko nung sinabi ko na alam ko naman pinasok ko. Pero unang araw pa lang ng demo teaching sa pre-service training namim, umiyak na ako agad sa CR. Sabi ko ayaw ko na, pero pinagpatuloy ko pa rin, hanggang sa tuluyan na nga akong na-induct sa Fellowship.

Kapag tinatanong ako kung kumusta ang dalawang taon kong pagtuturo sa Guimaras, palagi kong naaalala ang eksena sa labas ng gate ng eskwelahan namin. Doon kasi, limitado lang ang mga jeep na pumapasada kaya kapag uwian na, sabay-sabay kaming mag-aagawan sa bakanteng upuan. Swerte mo kung may bababang pasahero. Kaya para maunahan namin ang aming mga “kalaban”, maglalakad pa kami ng ilang metro sa unahan. Kung minamalas, minsan kabit na lang o top load, sige na makauwi lang. Siguro hanggang pagtanda ko, lagi ko itong ikekwento na parang “core memory” tulad nung sa Inside Out.  Mahalaga itong alaalang ito sa akin dahil ito na ata ang pinakanag-make sense sa dalawang taon kong pagtuturo doon.

Yung eskwelahan kasi namin, nasa ibabaw ng isang burol. Kaya kapag uwian, literal na bababa ka. Bago ako ma-deploy, akala ko alam ko na ang palakad sa public school. Hindi pa pala; mas kailangan ko pang bumaba para mas makilala ito. Sa pagbaba kong iyon, marami din pala akong kasabay pauwi. Madalas, kapag may kasabay akong co-teacher, nalilibre ako sa pamasahe. Kapag minsan naman na punong puno na talaga yung jeep, may mga estudyante na binibigay yung upuan nila at kumakalong na lang sa kaklase para may maupuan lang ako. Minsan naman pag sumasabit ako o di kaya top load, nakakakwentuhan ko yung iba kong estudyante. Kahit minsan natuturing ko silang mga “kalaban”, iisa lang naman gusto namin – ang makauwi. Sa pagbabalik tanaw ko, yung mga kwentong nabuo sa humigit kumulang na sampung minuto na biyahe pauwi ang laging kong babaunin saan man ako mapunta.

Sa mahigit 80 na teaching at nonteaching staff ng Jordan National High School at sa 471 na naging estudyante ko galing sa 14 na section na pinagturuan ko ng research sa apat na semester, lagi’t lagi ko kayong naiisip. May mga co-teacher ako na tahimik lang pero dedicated sa trabaho. Meron din namang maiingay at puno ng hirit at kulitan tulad ng mga naging malapit sakin (shoutout sa Office of the ICT Director!). Yung mga estudyante ko naman, halu-halo. Totoo pong maraming kulang-kulang na textbook, upuan, at klasrum sa public school (may mga klase ako noon sa gym at sa stage kasabay ang 3 pang ibang section, yung isa P.E. pa). Pero gusto kong ring sabihin na napakarami ring mga tinuturing kong “gems”. Opo, marami akong pasaway na estudyante sa klase pero ito yung mga tipong laging binabati ako at nangungumusta pag nakasabay ko sa canteen o kaya sa pump boat papuntang Iloilo. Marami ring pala-absent, may mga tamad oo, pero meron ding mga hindi nakakapasok dahil nagtatrabaho para sa pamilya o kaya ay nagbabantay sa nakababatang kapatid dahil inaabuso raw sa bahay. Yung mga ganitong pagkakataon sa labas ng lesson at sa labas ng klasrum marahil ang mas tumatak sakin, kaya malalim ang hugot ko lalo na pag mga estudyante ko ang pinag-uusapan.

Patapos na ako nun sa Fellowship nang mamatay si Jiebe. Isa siya sa mga estudyante ko na nakakuha sakin ng 96(!!!) bilang final grade sa Practical Research I. Nagvolunteer siya nung simula ng sem na maging lider ng grupo nila kaya maraming beses ko siya nakausap. Magaling siyang magsulat kasi laking PressCon. Alam ng mga estudyante ko na strikto ako sa feedback, ni ultimo grammar at spelling talagang papakialaman ko. Kahit minsan masakit mga feedback ko, nakikita ko syang nakikinig nang maigi sa mga komento ko. Laging on time magpasa ang grupo ni Jiebe at kung minsan sila pa ang pinakauna. Natandaan ko Lunes yun, papasok na sana ako nun nang mabalitaan ko na wala na raw siya. Nagpa-excuse muna ako nung araw na yun, umiyak lang ako buong umaga. Sayang di ko man lang siya nabisita sa ospital. Nung pagpunta namin sa lamay niya, nalaman ko na multiple organ failure pala ang dahilan ng pagkamatay niya na nagsimula lang sa pawala-walang lagnat. Naisip ko, siguro kung nabigyan lang siya ng tamang atensyong medikal di sana buhay pa siya ngayon at nag-aaral ng civil engineering. Nang ikwinento ito ng nanay niya sa amin, nangungusap ang mga mata niya na may halong lungkot at pawang pagtanggap na tila natalo siya sa laro ng buhay. Lungkot dahil nawalan siya ng isang anak na breadwinner sana ng pamilya, at pagtanggap na wala silang nagawa dahil hindi naman sila mayaman kaya di nila agad napa-check sa mas maayos na ospital ang kanilang anak. Huling post ni Jiebe sa Instagram account nya noong March 25, 2019 ay isang group picture kasama mga kaklase niya sa 11-STEM. “Research free=stress free <3” Sana di ka na dyan ma-stress sa langit, Jiebe. Pasensya na sa sakit ng ulo sa pangungulit kong ayusin ninyo ang research paper nyo. Gusto ko lang naman na sa susunod ninyong pagpasa, mas husayan nyo pa kasi naniniwala ako sa galing nyong lahat.


‘Cher MJ with his students at Jordan National High School in Guimaras.

2019

Dinala ako ng tadhana sa National Youth Commission bilang extension ng programa namin sa TFP. Sa ilalim ng Alumni Ambassadorship Program, sa mga opisina ng gobyerno naman kami ipinadala para masaksihan sa macrolevel ang mga polisiya na kaakibat ng pagsulong ng edukasyon. Policy research ang naging pangunahing trabaho ko doon. Iba pala talaga yung sistema kapag nasa loob ka ng isang pambansang ahensya dahil napakalawak na saklaw ang pagbibigay boses sa 29 milyong kabataang Pilipino. Ang pagsusulat ng mga policy brief, position paper, komento sa mga inihaing batas sa Kongres, at pagdalo sa kung saan saang interagency meeting ay isang bagay. Pero ibang usapan ang tanong kung ang mga polisiyang ito ay totoo nga bang natatamasa ng mga nais paglingkuran nito. Sa bawat pagpindot ko sa keyboard, naiisip ko lagi mga naging estudyante ko sa Guimaras. Ano kaya ang masasabi nila dito? Alam kaya nila na merong ganito? Nakakaabot kaya itong mga programang ito sa kanila? Haaay, isang mahabang buntong hininga.

Sa halos siyam na buwan akong namalagi sa NYC physically (at tatlong buwan virtually), nasaksihan ko ang daloy ng mga proseso sa paggawa ng mga batas at polisiya. Marami akong nakilalang mga lingkod bayan na may iba’t ibang mukha. Maraming mga opisyal ang tila hindi alam ang pinasok nilang posisyon. Sa kabila nito, higit na mas marami pa rin yung mga kawani ng gobyerno na husay at dangal ang inilalaan sa araw-araw. Marami sa kanila ang marunong lumaban sa mali at ipaglaban ang integridad ng kanilang opisina. Totoong mahirap at sadyang napakakumplikado ng burukrasya lalo na sa itaas pero nasagot naman kahit papano ng isang taon kong pagtatrabaho sa NYC ang katanungan kong ito: May puwang nga ba ang ideyalismo sa gobyerno? At ang sagot ko ay oo. Kahit madalas nakakawalang gana maging isang idealist, naniniwala ako na may magagawa pa tayo para mas pagyamanin ang paglilingkod nang tapat at mahusay para sa bayan.

 

2020

Tapos na ang tatlong taon ko sa Teach for the Philippines. Sa pagbabalik tanaw ko sa maikling panahong iyon, hindi ko masabi kung may naiambag nga ba akong makabuluhang bagay sa mga taong nakasalamuha’t napagsilbihan ko. Pero siguro tama yung training director namin nang sinabi niya sa akin — na kung sa pagkatapos ng dalawang taon kong pagtuturo sa public school at sa isa pang karagdagang taon sa ambassadorship placement ko ay nagkaroon ako ng mas malalim na pag-unawa sa bayan, sapat na iyon. Hindi man kataasan ang sweldo sa isang NGO, hindi naman matutumbasan nito ang karanasang mas nakilala ko ang bansang Pilipinas. Sa tatlong taon na naging isa akong development worker, nailubog ko ang angkla ng aking mga pangarap para sa sarili at sa bayan. Mas namulat ako sa mga problemang kinakaharap natin at mas nagkaroon ng lalim ang mga bagay na malapit sa puso ko dahil meron na itong mga mukha at pangalan. Totoong marami pang laban ang kailangan nating mapagtagumpayan pero nangangarap ako na “within our lifetime” magiging totoo ang lahat ng ito. Kahit paunti-unti. Kasama ka, tayong lahat, sa pagtugon nang may pagmamahal #ParaSabata at #ParaSaBayan.

Sana sa pagtanda ko, mabasa ko ulit ito at masabi ko sa sarili ko na “I already went full circle.” Sana mapanghawakan ko at hindi ko makalimutan ang pakiramdam na ito.

Kaya maraming salamat, Teach for the Philippines at Cohort 2017 #PUSO sa pagpaparamdam sa akin ng pag-asa. Salamat sa pagbabahagi ng inyong mga sarili at sa pagbibigay sa akin ng boses para maisulat ko itong kwento ko. Salamat sa pagbibigay ng lakas ng loob na patuloy akong maniwala, magtiwala, at magtaya. Mahirap man mahalin ang Pilipinas, lalo na sa mga panahon ngayon, ngunit sabi nga ng isang kasabihan, “mas mabuti ang umibig at mabigo kaysa hindi umibig kailanman”.

 

Mark Joseph “MJ” Euste is part of the 2017 Cohort, and completed his 2-year Fellowship commitment in 2019. He taught for two years at Jordan National High School, Guimaras. Post-Fellowship, he joined the Alumni Ambassadorship Program as part of the National Youth Commission.