Back to main KUWENTO page

‘Cher Nico: In Full Spectrum

Mga Thomasites, Mga Kadakilaan, at Mga Kuwentong Guro Hango sa Alpabeto

 

Noong 1901, dumaong ang barkong USAT Thomas sa baybayin ng ating bansa at nagbago ang panuntunan ng edukasyon sa ating kapuluan.

Isipin n’yo, ang mga Thomasites ay mga Amerikanong napadpad sa kabilang dako ng mundo para lang magturo. Hinarap nila ang sitwasyong kawalan ng sapat na facilities at resources, kawalan ng libro, ang language barrier, unequal access ng mga bata, posibleng pati attendance at tardiness dahil dadalo ang mga tao sa fiesta o kaya naman eh pahirapan na pumasok sa eskuwelahan dahil may ibang trabaho o kaya naman eh hindi lang talaga nila priority ang mag-aral. Isang siglo at isang dekada ang nakalipas, pero pareho pa rin ang kinakaharap ng mga guro ngayon!

Naging backbone ng pagturo nila ang Ingles, at sabi ng iba, napinsala nito ang pag-usbong ng kamalayan natin bilang iisang bansa. Napigilan ang pagyaman ng ating kultura, nasingitan ang dapat na pagyabong ng sariling wika. “A is for Apple” Eh wala naman tayong apples ‘di ba? Kung “A is for Atis” kaya?

Gayunpaman, hindi naman maipagkakaila ang mga kontribusyon nila. ‘Ika nga, they were the predecessors of the Peace Corps volunteers. Pero hindi talaga yun ang dahilan kung bakit ako nagsulat ngayon. Mainam lang na mabanggit ‘yun. Masayang tidbits kasi siya ng ating kasaysayan dahil anuman ang kinahaharap ng mga guro noon, ganun pa rin ngayon. Kaya ang tanong talaga eh… anyare?

Sa panahon ngayon, maraming paraan para makakamit ng edukasyon. May ALS, may out-of-school youth programs, may online classes, home school, formal institutional education at maraming iba pa. At heto ako, kumakana sa larangan ng pagtuturo sa public elementary school. Kaya hayaan niyo na ikuwento ko ang aking karanasan sa pagtuturo dito, sa pinaka-basic na paraan:

 

A is for Atrocities – Wow, big word, ‘tol. Para ma-impress ka at basahin hanggang Z!

B is for Babies – Nag-aalaga ng mga average 50 bata, umiiyak, nagdadaldal, nagpapapansin, may naje-jebs.

C is for Challenge – The moment we entered into the field, tinanggap na namin nang buong-buo ang pagsubok na ito. KAKAYANIN!

D is for Deadlines – Kami ay nakikipagbunuan sa oras dahil sa mga kailangan tapusin. Hirit pa, “Meron pa bang deadliest line?”

E is for Eternity – Sabi nga ni Kuya Henry Adams, “A teacher affects eternity; he can never tell where his influence stops.”

F is for Feels – Sana may hotline ang mga teacher para ibuhos ang mga nararamdaman nila. O kaya, kung gusto niyong magkawang-gawa, “Talk to a teacher today!”

G is for ‘Gets?’ – ‘Yung tinuro na ang division for the nth time, hindi pa rin nila gets. Naniniwala na ako sa forever!

H is for Heart – ‘Tol, teachers have the biggest hearts. Alam mo ‘yun. They have the hearts to serve, tsaka hearts na sumisikip dahil sa inis sa mga bata.

I is for Ideology – May prinsipyo na nangingibabaw sa isang tao na s’yang nagiging dahilan nang pagsisilbi n’ya bilang guro. Ang tanong, how does one preserve it?

J is for J.A.P.A.N. – Just Always Pray At Night. As in. Dasal dasal lang talaga. Oo ‘no, na sana di sila mag- pasaway bukas.

K is for Kara Krus – Isama mo pa ang pogs, gagamba, dampa, Chinese garter, at kung anu-ano pang laruan na bitbit ng sang-kabataan.

L is for Love – Teka, mam’ya na ‘to.

M is for Maestro – Tawag ng mga Italyano dun sa mamang may baton sa harap ng orchestra. Isang kumpas lang ng kamay n’ya ay nako-kontrol na ang himig ng bawat isang instrumento. Parang sa classroom lang. Salitang Bisaya din ito para ‘teacher’!

N is for Negatron – Alam mo, minsan ang tao nagiging moody, masungit, o bugnutin hindi dahil sa ayaw n’ya sa’yo o kaya naman eh likas na masama ang ugali. Malay mo, guro pala s’ya. Minsan, sa kakasulong sa misyon, nakokonsumisyon.

O is for Orthodox – Ang guro ay isang nilalang na kailangang umayon sa norm o sistema. Pero ang pagbaklas o pagpilit na humiwalay dito ay tanda ng pagbabago, daan para sa bagong henerasyon ng mga tagapagturo.

P is for Patience – A colleague once said, “Patience is not a virtue anymore, but a skill’’. Kung kaya, ang pagtuturo ay nag-rerequire ng immense (at intense) amount ng skill na ito.

Q is for Questions – ‘Yung tipong, you ask yourself over and over again, “Bakit ko ba ginagawa ‘to?” Tapos, you question your ability, “Ginawa ko na ang lahat, pero bakit ganito pa rin?” Sa kadulu-duluhan, nasa iyo pa rin ang sagot.

R is for Reinvention – Kailangang i-reinvent ang sarili every time, para tangkilikin ng mga bata.

S is for Sahod – Sa trabahong ito, hindi bulsa mo ang yayaman, kungdi ang puso mo. Wala na ‘atang mas fulfilling pa dito.

T is for Time – The best thing na maiaalay ng isang guro ay ang igugugol n’yang oras at panahon hindi lang sa pagtuturo, kungdi pati na rin sa pagkalinga sa kanyang mga estudyante.

U is for Ugat – Isa sa mga tinuturong ugat ng baluktot na pag-iisip at mabagal na pag-asenso ay ang obsolete system of education. Bilang guro, pasan namin ang tungkulin na maghatid ng napapanahong pagtuturo.

V is for Vendetta – Hindi yung palabas ‘tol, but teaching itself is a long-running war, a vendetta — isang pakikipagbunuan laban sa kamangmangan.

W is for Worst – Teaching brings the best and the worst in you. At nasa iyo ‘yun kung paano ito ima-manifest sa classroom.

X is for X-Factor – Mayroong ‘something’ kung bakit ko ‘to ginagawa at patuloy na ginagawa, kung bakit pinili(t) mag-stay. Ang deciding element.

Z is for Zombie – Puyat. Pagod. Stressed. Di nakakakain. Eh di, zombie!

 

“Love is the one thing we’re capable of perceiving that transcends dimensions of time and space”, sabi nga ni Cooper sa pelikulang Interstellar.  Ang mga Thomasites dumako sa kabilang mundo sa utos ng America nilang mahal, pero nagpatuloy for the love of learning.

At para sa akin, sa kabila ng lahat, kahit may mga panahon na salungat ang sansinukob at nanunukso ang panahon, masasabi kong ang pag-ibig na dalisay para sa mga bata at sa aking bansa ang dahilan kung bakit ako napapatuloy.

 

 

Nico Fos is completing his 2-Year Fellowship this coming April 2016.  After graduating from JRU in 2014, he joined the Teach for the Philippines program as a teacher in Kapitbahayan Elementary School in Navotas City.