Sa simula, hindi inasahan ni Ma’am Elvie na siya’y magiging isang guro ng Filipino. Paborito niya ang asignaturang Math, ngunit nagbago ang kanyang pananaw nang siya’y mapalapit sa kanilang dean sa Isabela State University, na naging propesor at mentor niya sa Filipino. Nagbigay ang mentor niya ng malalim na pagninilay tungkol sa kahalagahan ng sariling wika, at dito nag-ugat ang kanyang desisyon na gawing espesyalidad ang Filipino.
Naging inspirasyon din sa kanya ang mga napapansin niyang karaniwang maling paggamit ng wikang Filipino. Halimbawa nito ang maling paggamit ng mga pahayag na “mayroon po ba?” para sabihing “nariyan po ba?” at “tinitingnan kita” para sabihing “hinahanap kita.” Dahil dito, pinili niyang maging guro ng Filipino upang maituwid ang mga ganitong maling gamit at maituro ang tamang paggamit ng wika.
Isa sa mga pangunahing hamon na kinahaharap ni Ma’am Elvie ay ang kakulangan ng mga kagamitang panturo. Napansin niya na limitado ang mga aktibidad sa mga kagamitan ng mag-aaral sa Filipino, kaya’t siya mismo ang nagkukusa na maghanap at gumawa ng mga Learning Activity Sheets upang matugunan ang pangangailangan ng kanyang mga estudyante.
Bukod dito, kadalasa’y “nakababagot” ang pananaw ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino. Upang malampasan ito, patuloy siyang nag-iisip ng mga laro at masayang mga gawaing magdadala ng bagong sigla sa kanilang pag-aaral.
Sa loob ng silid-aralan, gumagamit si Ma’am Elvie ng iba’t ibang pamamaraan upang gawing masaya at nakaeengganyo ang pag-aaral ng Filipino. Madalas niyang gamitin ang larong charades, lalo na kapag ang aralin ay tungkol sa mga pangngalan, pandiwa, at pang-uri. Bukod dito, gumagamit din siya ng crossword puzzle, word hunt, at snakes and ladders game boards upang maging aktibo at interesado ang mga mag-aaral.
Ginagamit din niya ang message relay, video clips, at PowerPoint presentations upang mas mapadali ang pag-unawa ng mga estudyante sa mga aralin. Ang mga estratehiyang ito ay malaking tulong sa pagpapanatili ng interes ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino.
Sa kasalukuyan, nagtuturo si Ma’am Elvie sa Key Stage 1, kung saan binibigyang-tuon niya ang pagtuturo ng pagbasa sa Filipino, na susundan naman ng English. Naniniwala siyang ito ang pundasyon ng kanilang pagkatuto sa iba pang mga asignatura.
Para kay Ma’am Elvie, ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ay isang mahalagang pagkakataon para sa mga mag-aaral na mas kilalanin at maunawaan ang kasaysayan at kultura ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng mga aktibidad tulad ng patimpalak sa pagsulat, pagtula, at debate, nahahasa ang kasanayan ng mga mag-aaral sa pagsusulat at pagsasalita ng Filipino.
“Ang Buwan ng Wika ay hindi lamang pagdiriwang kundi isang mahalagang bahagi ng edukasyon na nagpapalalim ng kaalaman, pagpapahalaga, at pagmamahal sa sariling wika,” ani Ma’am Elvie.
Alumna Teacher Leader ’21 si Elvie Sadio. Kasalukuyan siyang nagtuturo sa De Vera Elementary School sa Cauayan, Isabela.