Noong ang ating pambansang bayani ay nagwikang “Ang ‘di marunong magmahal ng sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda,” ito ay mga katagang nagmulat sa akin upang simula’t sapul ay yakapin at tangkilikin ang paggamit sa ating wikang pambansa.
Wala pa man ako sa Kagawaran ng Edukasyon ay tatas ko na ang paggamit ng wikang pambansa. Sa aking pagpasok sa sangay ng edukasyon ay nasubok ang aking kakayahan kung paano ko ba epektibong maipararating ang bawat layunin ng asignaturang Filipino. Noong una, akala ko ay madali lang sapagkat base sa aking nalalaman, sino nga ba naman ang Pilipinong hindi nakaiintindi ng wikang Filipino? Mayroon bang batang Pinoy na hindi marunong magsalita ng Tagalog? Ito ay ilan lamang sa mga tanong na inakala ko ang sagot ay marahil wala. Namulat kasi ako na paslit pa lamang ay naturuan nang managalog, maging ang aming mga kapitbahay ay ganoon na rin ang nakasanayan.
Nagbago ang pananaw kong ito nang ako ay magsimulang magturo sa elementarya. Sa aking pagtuturo ay hindi pala ganoon kadaling maiparating ang iyong mga nais kahit na ang ituturo mo ay asignaturang Filipino. Marami ang mga bata sa aming paaralan na kabilang sa iba’t ibang pangkat-etniko gaya ng Kalinga, Igorot, at Gaddang. Bilang guro ay kinailangan ko ring aralin ang mga lenggwahe sa aming komunidad.
Sa aking pagtuturo gamit ang Filipino, kapag tinanong ko ang mga mag-aaral kung naintindihan ang paksa ay sasagot sila ng “Yes, Ma’am!” Nakakagana nga namang pakinggan! Ako ay magbibigay pa ng mga tanong tungkol sa aming paksa. Nakalulungkot lang sapagkat pagkatapos kong ibigay ang iba pang mga tanong ay wala na silang maisagot. Hindi pala nila tunay na naiintindihan ang mga katanungan.
Kaya naman bilang guro, kinailangan kong gumawa agad ng mga hakbang para maintindihan nila ang aming paksa. Isinalin ko ito sa lenggwaheng gamit nila, at kitang-kita ko ang liwanag sa kanilang mga mukha. Dinagdagan ko na rin ng iba’t ibang pakulo gaya ng pagbibigay ng mga laro tulad ng pagbuo ng mga bagong salita, pagsagot ng krosword at pagbuo ng mga ginupit-gupit na mga larawan upang mabuo ang kanilang paksang pag-aaralan.
Sa bahaging pagtalakay ng aralin ay paborito na ngayon ng aking mga mag-aaral sa Filipino ang isa-isang pagbabahagi ng kanilang sagot at kwento gamit ang wikang nakasanayan na nila. Tutulungan ko naman silang unti-unting isalin ang mga ito sa wikang pambansa.
Sa aking palagay ay mas naipapamalas ko ang pagiging inklusibo ng edukasyon sa pagbibigay-boses sa iba pang nakasanayang wika at lenggwahe ng aking mga mag-aaral.
Alumna Teacher Leader ’21 si Norlyn Lazaro, o Ma’am Norz, ng De Vera Elementary School sa Cauayan, Isabela. Ang mga programa tulad ng Batang Bayani at Gabay sa Gabay Workshop ay nag-iwan ng malaking marka sa komunidad ng De Vera Elementary School.
Nagdulot ang mga ito ng napakalaking tulong sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang, na nagbigay kay Ma’am Norz ng inspirasyon na magkaroon ng ganitong mga proyekto muli sa hinaharap. Sa kanyang puso bilang isang guro, nais niyang patuloy na makapaghatid ng dekalidad na edukasyon at makapagsagawa ng mga programang direktang makikinabang ang mga mag-aaral at kanilang mga pamilya.