Para sa mga minamahal na panauhin, isang mapagpalayang araw sa lahat!
“Hahakbang ba sa kanan o hahakbang sa kaliwa? Mananatili ba ako sa nakasanayan o lalarga? Saan nga ba ako o tayo dadalhin nitong ating mga paa?”
Ito ang mga tanong na naglalaro sa aking isipan. Naalala ko yung panahon kung saan nasa punto ako na nagkaroon ako ng pagkalito sa landas na aking tinatahak. Napapatanong kung gusto ko pa ba itong ginagawa ko o babalikan ko ulit yung matagal ko naman nang pangarap na naudlot dahil sa iilang mga pagkakataong natakot ako. Kaya naman, buong tapang akong humakbang papalabas sa aking pinagmulan — isang Psychology student graduate na nagdesisyong muling maglakbay tungo sa isang daan na hindi malinaw kung saan ako dadalhin, ngunit sigurado ako, na dapat maghantong ito sa pagiging isang guro.
Sa pagtahak ko sa daan na ito, nakilala ko ang ibang manlalakbay rin na katulad ko. Maaari bang magtaas ng kamay sino rito ang hindi nagtapos sa kurso na edukasyon? Naitanong na rin ba natin sa ating mga sarili kung tamang desisyon ba itong ginawa natin? O nasabi na ba natin na “ginusto ko ‘to, paninindigan ko ‘to!”?
Hindi lamang din mga katulad ko na non-education graduate ang nakilala ko sa mga manlalakbay na ito. Maari bang itaas naman ang kamay ng mga nagtapos sa kurso ng edukasyon? Dito ko napagtanto na kahit iba-iba man ang ating mga naging danas, pare-parehas tayong nakaramdam ng takot, ng pangamba, ng pagdududa, ay nagkaroon pa rin tayo ng pagkakataon na tumungo at magpatuloy para sa iisang layunin.
Nakatutuwang isipin na ang mga kasabay ko sa paglalakbay na ito ay mga kapwa ko estudyante rin noon na nahihiyang magtaas ng kamay, yung laging “teacher, may I go out” pero didiretso sa canteen, o yung estudyanteng mahilig magtanong ng “teacher, anong oras na?” ngunit, tignan natin ang ating mga katabi, iyan ang mukha ng mga guro na ngayon.
Sa aming sabay-sabay na pagtahak sa landas tungo sa aming paroroonan, maraming mga pagkakataon na kami ay nahirapan, kahit noong simula pa lang ng online Summer Institute. Gayunpaman, patuloy pa rin ang aming pagkilala hindi lamang sa isa’t isa kundi sa amin ding mga sarili. Patuloy na pagkalimot at pagkatuto. Sa naging biyahe na ito, natutunan namin na iwanan ang pag-iisip na ang pagsisilbi ay hindi para sa pansarili naming pangkapakanan. Natutunan na ang lahat ng problema ay hindi natin kayang lunasan nang mag-isa lamang pero natutunan namin ang kahalagahan ng pagtutulungan upang unti-unti, makamtan nang sama-sama ang mga problemang sa palagay naming mahirap masolusyunan.
Sa kabilang banda, sa biyaheng maraming dapat alalahanin at tandaan, may iilang nagpakita pa rin ng katapangan na kahit na narito na sila sa kalagitnaan, nagdesisyon silang bumitiw muna sa lakbay. Gayunpaman, ipinagmamalaki ko na ang karamihan, na narito ngayon sa unahan ay nagpatuloy at nagpapatuloy pa rin.
Sabay sabay napagod, naguluhan, at nais na ring sukuan ang tinahak na landas ngunit pinagtibay pa rin kami ng mga pagsubok na mga dumaan na nagdulot sa pagsasama-sama at pagtutulungan. Maraming salamat, kapwa ko Teacher Fellows.
Natututo tayong lumaban hindi lamang sa mga pagsubok kundi pati na rin sa mga aral na natutunan natin mula sa mga taong nauna nang naglakbay sa landas na ito, ang mga bumubuo ng Summer Institute at Teach for the Philippines. Lubos kaming nagpapasalamat sa mga aral na humubog sa aming mga pagkatao. Natanto namin na hindi lamang sa pagtutulungan natin makakamit ang ating mga mithiin. Mahalaga ring tandaan na huwag kalimutan ang sarili sa proseso upang makapagbigay kami ng buo habang kami ay nananatili ring buo.
Ngayong naibahagi ko ang iilang kuwento tungkol sa aming paglalakbay, ano naman ba itong nais naming puntahan?
Bilang parte ng mga manlalakbay, masaya kong ibabahagi ang aming misyon. Kami ay patuloy na humahakbang patungo sa bagong daan bitbit ang pag-asa na makamtan ang sapat at nararapat na edukasyon para sa mga batang Pilipino.
Sa pangako na pagbibigay ng aming puso at galing sa paglalakbay na ito, marami mang mga pagdadaanan na hirap o kawalang kasiguraduhan bilang bahagi ng pagiging bagong mga lider at guro, hangad naming maibigay ang de-kalidad na edukasyon na nararapat nilang matamasa. Ang aming pangako ay hindi lamang din paghahandog-kaalaman ngunit ang isa sa pinakamahalaga ay mai-akay at anyayahan ang mga batang Pilipino, na aming magiging estudyante, patungo sa kanilang pansariling kakayahang maglakbay rin patungo sa kanilang mga pangarap.
Sa paglalakbay na ito, oras na ulit upang makakita ng bagong mga mukha, bagong mga kuwento, at bagong mga daan. Bilang kinatawan ng Cohort 2024-A, nais kong sabihin na nasasabik kaming makilala at yakapin ang mga pagbabagong ito, at maibahagi rin ang mga kuwento ng mga bago naming makakasama sa paglalakbay na ito.
Cohort 2024-A, SI Team, TFP Staff, maraming maraming salamat sa samahan, damayan, at pagkakaibigan. Mag-iiba man ang direksyon ng daraanan, alam ko at naniniwala akong sabay-sabay tayong tutungo, lalarga kung saan tayo ay kinakailangan. Anumang pagsubok ang magdaan, dahil pinagtibay tayo ng panahon at pagtitibayin pa tayo nito, ay sabay-sabay nating matatamasa ang edukasyong mapagpalaya para sa bata at para sa bayan.
Ann Bacolor is a newly-inducted Teacher Fellow of the 2024 Cohort. She is deployed to San Mateo Integrated School in Laoag City, Ilocos Norte.