Tuloy ang pagkatuto: Ang Pilipinong mag-aaral sa gitna ng pandemya

Noong Agosto 14, 2020, inanunsyo ng Kagawaran ng Edukasyon ang paglilipat ng araw ng pagbubukas ng klase mula sa ika-24 ng Agosto patungong ika-lima ng Oktubre taong kasalukuyan. Nag-ugat ang nasabing desisyon sa pagbibigay konsiderasyon sa mga lugar na noon ay nakapaloob sa Moderate Enhanced Community Quarantine (MECQ) bunsod ng COVID-19 pandemic. Idagdag pa rito ang pagpuno sa mga natitirang puwang sa pagbubukas ng klase na siya namang inaaksyunan ng nabanggit na kagawaran ayon kay Kalihim Leonor Briones.

Sa nalalapit na taong panuruan 2020-2021, panibagong hamon ang kahaharapin ng mga kaguruan, mga magulang, at lalo na ng mga Pilipinong mag-aaral. Ayon sa datos ng kagawaran (Setyembre 25, 2020), mayroong 24.63 milyong bata ang nakapagpatala ngayong taon – 22.44 milyon sa pampublikong paaralan samantalang 2.136 milyon naman sa pribadong paaralan.

Masakit isipin ang katotohanan na maaaring maraming bata ang mapagiiwanan sa edukasyon sapagkat ang kabuuang bilang ng mga estudyanteng naka-enrol ngayon sa elementarya at sekundarya ay 88.70% lamang ng mga mag-aaral noong nakaraang taong pang-akademiko. Bagaman nakakalungkot, hindi ito ang panahon para huminto sa pagsusumikap na makapagbigay ng dekalidad na edukasyon para sa mga kabataang Pilipino sa gitna ng pademyang ating nararanasan.

“Malaki ang epekto sa pamumuhay ang pandemyang [COVID-19]. Lahat tayo nahihirapan sa sitwasyon, subalit ang pag -aaral o pagkatuto ay hindi dapat isawalang bahala. Karapatan ng mga kabataan na makapagaral. May kasabihan nga, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”. Kaya naniniwala ako na kahit anong hirap ng sitwasyon natin, marami namang paraan upang matugunan ang pag-aaral ng mga kabataan. Ang mahalaga ay hindi masasayang ang isang taon sa buhay ng mga mag –aaral. Upang matagumpayan ito kailangan magtulong-tulong ang bawat isa. Bilang magulang, malaki ang responsibility namin para maging maayos at magtagumpay sa pag-aaral ng aming mga anak,” sambit ni Delia Magallanes, ina ng isang mag-aaral sa isang pribadong paaralan sa Maynila.

Bilang guro, naniniwala akong kailangang ipagpatuloy ang edukasyon kahit may pandemya dahil isa itong epektibong paraan upang maiparamdam sa mga bata na hindi sila nakakalimutan ng lipunan. Iba-iba man ang mga karanasan nila sa loob ng kani-kanilang bahay, alam kong marami ang nami-miss na ang paaralan at ang mga bagay na madalas nilang gawin kasama ang mga kaklase at mga guro,” ani Julie Nombrado, guro sa Paaralang Elementarya ng Marikina.

Idinagdag ni Nombrado na kung mabibigyan ang mga bata ng mga makubuluhang gawain, mapaiintindi ang pinagdadaanan ng mundo sa ngayon, at maipadadamang “nandito tayong mga nakatatanda para turuan at gabayan sila”, sigurado gagaan ang loob ng mga bata at mas iigting ang kagustuhan nilang matuto at mapalawak ang kanilang kaalaman kahit pa nasa loob lang sila ng bahay at naghihintay na matapos ang pandemya.

Sa kasalukuyan, patuloy ang paghahanda ng mga pampublikong paaralan sa pagharap sa nalalapit na pasukan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga online webinars, workshops, at trainings partikular na sa mga isasagawang Learning Delivery Modalities tulad ng Distance Learning at Blended Learning. Abala rin ang mga guro sa pagsusulat at paglilikha ng mga modyul na siyang gagamitin ng mga bata na Modular Learning ang piniling pamamaraan ng pag-aaral. Samantalang kabi-kabila rin ang mga online demo teaching simulation sa mga iba’t ibang paaralan sa bansa.

“Mahalagang ipagpatuloy ang pag-aaral sa gitna ng pandemya dahil bilang mag-aaral na may malaking pagpapahalaga sa edukasyon, tinitingnan ko ito bilang hakbang para umunlad ang aming pamumuhay. Hindi sapat na rason ang pandemya para matigil ang ating pagkatuto,” ayon kay Ira Gabriel Mantes, mag-aaral sa ika-walong baitang ng Marikina Science High School. Pinili ni Mantes ang Online at Modular Learning ngayong pasukan.

Ang edukasyon ay responsabilidad ng bawat isa – hindi lamang ng mga mag-aaral, guro, at magulang kundi ng isang komunidad na handang sumuporta at gumabay sa pangarap ng isang batang nag-aasam na makapag-aral. Noon pa man ay masasabing buhul-buhol na ang mga problema sa edukasyon sa ating bansa. Gayunpaman, kung patuloy lamang tayong magtutulungan at magkakaisa sa isang adhikain, hindi malabong mangyari na ang inaasam nating magandang bukas para sa bata at para sa bayan ay atin nang makamit sa gitna man ng pandemyang COVID-19.

 

Sanggunian:

https://newsinfo.inquirer.net/1321659/deped-opening-of-classes-in-public-schools-moved-to-october-5

DepEd – Bureau of Human Resource and Organization Development (para sa datos ng enrolment ngayong taon)

Si Joshua Caleb Pacleta ay dating Teacher Fellow (Cohort 2018) ng Teach for the Philippines na nagturo ng dalawang taon sa Paaralang Elementarya ng Barangka, Siyudad ng Marikina. Siya’y nagtuturo ngayon sa Marikina Science High School bilang guro sa Journalism at ICT.