Ang akala kong isa sa mga normal na Lunes ay naging isa sa pinaka-di malilimutang Lunes sa aming klase.
Lunes ng umaga. Isa sa Lunes na pinakakinatatakutan ng mga bata dahil sila ang magsasalita sa harap. Ibabahagi nila kung sino ang kanilang iniidolong Pinoy, bakit nila siya iniidolo at ano ang kanyang kwento.
Akala ko ay karamihan sa mga mag-aaral ay ibabahagi ang kanilang iniidolong artista dahil sila ay maganda, gwapo, magaling umarte, sumayaw at iba pa. Nagkamali ako.
Isa-isang pumunta sa harap ang bawat mag-aaral upang ibahagi kung sino ang hinahangaan nila.
“Ang idolo ko po ay ang aking lolo dahil po napakamaasikaso niya. Kahit po matanda na siya ay inaasikaso niya pa rin po kami.”
“Idolo ko po ang aking nanay dahil po kahit maliit ang bahay namin at alam kong nahihirapan sila ay patuloy silang nagtatrabaho para sa amin.”
Tumutulo ang luha ng mga batang nagsasalita habang sila’y nagbabahagi. Di ko namamalayan ay lumuluha na rin ang buong klase. Kahit ako.
“Ang aking idolo ay si Tatay dahil siya po ay nagsisipag para sa amin. Kahit po may pasok siya ay nag-aabsent po siya sa trabaho para po alagaan kami.”
Malinaw para sa aming lahat na ang Lunes na ito ang isa sa pinakamakahulugang Lunes na kami ay nasa loob ng klasrum. Ngayon ko natutunan kung gaano katotoo ang mga pangarap na sinasambit ng aking mga estudyante sa tuwing tinatanong ko sila ng “Anong gusto mong maging paglaki?” o “Gusto mo rin bang mag-aral sa UP?” At ngayon ko rin natutunan kung gaano kalaki ang ginagawang sakripisyo ng mga magulang para mapagtapos ng pag-aaral ang kanilang anak, katulad ng ginawa ng aking mga magulang.
Ngayon ko rin napagtanto kung gaano ako dapat maging masaya sa pagkakataon na ibinigay sa akin upang maging guro ng mga batang ito: na bahagi ako ng pagbuo at paghulma sa mga taong may puso at alam kong tunay na magiging pag-asa ng bayan sa hinaharap; mga batang mulat sa realidad ng buhay ngunit nauunawaan at pinahahalagahan ang mga sakripisyo ng bawat isa para makaahon sa kahirapan; mga batang handang mangarap at magsipag upang maabot ang mga pangarap na ito para sa kanilang sarili, pamilya at bayan.
Para sa mga magulang ng mga bata ko, idolo ko kayo. Dahil sa inyo at sa inyong mga anak, masarap maging guro.
Julius Anthony P. Denosta, or Julio, 20, graduated from the University of the Philippines Diliman in 2013 with a Bachelor of Arts in Psychology. He is our youngest Fellow and one of four Fellows teaching in Apolonio Samson Elementary School.
Why does education matter? Click here to see what some of our champions have to say.