Back to main KUWENTO page

‘Cher Yna: Ang Matatakuting ‘Cher

Takot ako sa dilim.

Alam iyan ng mommy ko na hanggang ngayon kailangan ko siyang tabihan para sa isang mahimbing na tulog. Alam iyan ni Thea na kalaban ko sa pag-iwan ng bintana na bukas kapag matutulog kami. Alam yan ni Ju na tatakbuhan ko kapag biglaang nag brownout. Alam yan ni Dan na ako agad ang salarin kapag iiniiwan kong bukas ang ilaw ni Nanay Lily sa boarding house.

Pero, bakit ba ako takot sa dilim? Wild kasi imagination ko, baka may mga multo sa paligid, o kaya naman baka may mga di magandang mangyari sa amin habang wala akong malay. Meron ding takot na mawawala ang aking control kapag wala akong nakikita, wala akong alam, at takot ako sa walang kasiguraduhan.

Pero sobrang ironic din, na isang taong takot sa walang kasiguraduhan, sumabak sa Fellowship Program ng TFP. Dalawang taon ng buhay mo, ipupunta ka sa isang lugar na wala kang idea kung papaano ang buhay doon. To top it all off, malayo sa pamilya at kaibigan, malayo din sa nakasanayang field. Mula engineering papuntang education.

Lagi ako tinatanong, bakit? Bakit ko pinili itong daan na napakahirap, lalo na may pandemya, lalo na ngayon na napakahirap mabuhay. Simple lang palagi yung sagot ko, kasi gusto ko magturo sa mga bata. Gusto ko din maging bahagi at makatulong sa isang komunidad. In short, ginusto ko. Ginusto ko kahit walang sigurado sa panahon na to. Until now, sobrang grateful ko sa TFP dahil natupad ito.

Laking pasasalamat ko dahil dito kami sa Cauayan North Central School napunta. Kasama ko sila Thea, Dan, at Jurell na bukod sa naging effective na workmates, naging mga mabuting kaibigan ko rin.  Kila Sir Albert na kumupkop sa amin dito at tinanggap kami ng buong buo. Kay Ma’am Maricel na kahit scammaz ay tinuturing kaming mga kapatid. Sa kindergarten na kasama namin sa masasayang araw. Sa mga MTs at mga guro na lagi kaming pinapakain o ‘di kaya binibigyan ng gulay kaya napupuno yung ref namin.


‘Cher Yna with her co-teachers in Cauayan North Central School.

At higit sa lahat, taos-pusong pasasalamat sa mga magulang at estudyante na naging bahagi ng mga programa namin. Para sa akin na nangangarap na maging isang mabuting guro, madami akong napulot na aral mula sa inyo.

Sobrang laking pasasalamat ko dahil napapalibutan ako ng mga taong tinutulak ako na makapagbahagi ng kaalaman at talento sa aking school community. Di ko akalain na bukod sa pagiging Teacher Fellow, mararanasan ko maging video editor, director, producer, technician, vocal coach, content creator, at maraming iba pa. Dahil sa karanasan na ito, tumaas lalo ang respeto ko sa mga guro dahil all around talaga ang trabaho nila.

Habang sinusulat ko ito, sobrang madami akong na-rerealize. Hehe, this is just me thinking out loud.

Una, hindi pala ako takot sa dilim, takot lang ako na mag-isa. Ang mga taong nakapaligid sa akin ngayon ang motibasyon ko to bravely face the uncertainties life throws at us.

Pangalawa, ang walang kasiguraduhan ay maaaring i-equate sa maraming posibilidad.  In this kind of situation, the only limit is ourselves. The possibilities are endless.

Pangatlo, okay lang kung di ka sigurado ngayon, lagi mo lang iisipin, ano nga ba ang best decision/ action na pwedeng gawin at the moment?

Pang-apat, ang rason kung bakit ako nandito ngayon ay dahil ginusto ko ito. Ngunit, ang rason kung bakit ako patuloy na nagpapatuloy ay ang mga bata, mga magulang, at ang mga guro na susi sa pagtataguyod ng magandang kinabukasan ng komunidad.


‘Cher Yna with her students during an online session.

And just like that, the school year will be ending in 3 days. Sa susunod na taon, mas lalo na akong handang ibahagi muli ang aking sarili, para sa bata at para sa bayan.