Back to main KUWENTO page

‘Cher Jerlyn: On The 2014 Journey

Kwentong May Kwenta

 

Halos lahat sa atin ay nangarap makatulong sa ating mga kababayan at sa ating bansa. Ngunit hindi ko lubos akalain, na ang pagsisilbi pala sa bayan ay may kapalit na paglimot sa sariling kapakanan.

Ilan sa atin ang nakaisip ng salitang…”gusto ko ng mag resign?” gustong kumawala dahil napakalaki ng obligasyong ini-atas.

Gusto ng bumitiw, dahil binigay mo na ang lahat, ay kulang parin.

Ang graduation na ito ay maituturin na isang milagro.Milagro dahil nakaya natin ang dalawang taon. Milagro dahil buhay pa tayo.  Milagro, dahil nakaya nating kalimutan ang ating sarili at ibigay ang buong pusong serbisyo sa mga taong hindi natin ka ano-ano.

Samahan niyo po ako sa pagbabalik tanaw sa dalawang taong kwento ng buhay naming bilang mga public school teachers.

Gumigising ng alas 4 upang maghanda dahil kailangang nasa eskwelahan na bago mag 5:40 ng madaling araw upang magturo.  Malayo sa kinagisnang oras ng mga nag oopisina, kailangan ay handa na aming isipan at ulirat pagpatak ng alas 5:40 ng umaga.  Bitbit ang bag na mala maleta, papasok na si teacher sa kaharian kung saan siya ang reyna, hari, nars, doctor, janitor, at kung ano-ano pa.

Pagpasok sa gate ng eskwelahan ay sasalubungin ka ng iba’t –ibang senaryo. Nariyan ang mga batang nagmamano, nagmumura, nakasabit sa basketball ring at kung maswerte ka, ay ikaw ang unang biktima nilang mabangga sa umaga.

Magsisimula na ang klase kaya lahat ay naghahanda na. Naghahanda ng sarili dahil sasabak na sa giyera. Giyera ng lipunan, kung saan haharapin ang mga batang may iba’t-ibang istorya. Nariyan ang batang may pasa’ dahil nabugbog kagabi, nakanganga dahil wala sa sarili, may siga at nang uumbag sa klase, may mabait naman na sumasaway sa katabi. Sa anim na oras ay nagtatagay kami ng mayamang chika. Daig pa naming ang reporter sa dami ng inihandang paksa.

Hayaan ninyong ikwento ko ang buhay sa loob at labas ng klasrum. Klasrum ng iba’t –ibang paaralan, at ng iba’t–ibang lungsod. Buhay na kinasanayan naming sa loob ng dalawang taon.

Nakahanda na si teacher na magturo ng paksang inihanda, ngunit pagod na si bata sa pakikinig, gusto niya ng umuwi para manood ng ALDUB na paborito nyang T.V show tuwing tanghali. Nag tatantrums na ang iba, may inaataki ng epilepsy, may nakikipag-usap sa sarili, may naka nga-nga lang habang tumitingin sa iyo. May gustong makipagsuntukan, yung isa naman trip makipagsaksakan ng lapis.

Kailangan ni teacher matapos ang lesson kaya maglalbas siya ng tracker. Pupunuin ang blackboard ng star, circle, square, heart, diamond at kung ano-ano pang shape-tanda ng pagiging very good. Minsan effective, minsan naman nakaklungkot dahil hindi. Kaya mag-iisip ulit si teacher ng bago, lalagyan ng smiley, sad face, minion, hello kitty, at kung sino-sino pa for reinforcement.

Minsan nga naisip kong ilagay si dugong, dyesabel at shokoy at kung ano-ano pang lamang dagat at lupa, para tumigil sila.

Minsan napaisip ako kung nasa klasrum ba talaga ako o nasa hawla, kulungan, jurasic park at kung ano-ano pang pwedeng itawag sa silid-aralan. Napakaraming kaganapan sa isang araw lang. Yung tipong tumalikod lang si teacher. Pagharap niya ay may tumanggap nang tumataginting na 8 saksak ng lapis, apat na kagat, isang black eye. May nag-iiyakan na parang mga member ng choir, may sinuntok sa likod. May kailangan itakbo sa clinic dahil masakit ang tiyan, ngipin, ulo. May tumitirik ang mata. At biglang mapaphinto ang lahat dahil may amoy na kailangan ng itakbo si bata sa CR dahil nagkalat na.

Bago po naming tanggapin ang mga diplomang ipagkakaloob sa amin, samahan niyo po akong balikan ang dalawang taong pagalalakbay ng mga edukador na nasa inyong harapan ngayon. Para lubos niyo pong maunawaan ang kahulugan ng pagtatapos na ito. Nang sa ganun ay kung may makita kayong umiiyak ay malaman po ninyo ang aming pinanggagalingan.

 

Mula sa Lungsod ng Binan

Nariyan sina Teacher Arra, Kaye, Jerson, Ems, Mabel, Jon, Maggie, Dana.

Mabilang pa kaya ng team Binan kung ilang timba na ang tubig –baha ang nawalis nila.

Ilang hagdan na kaya ang naikot nila para makapagturo lang ng pagbasa.

 

Sa Cubao naman nagtuturo sina

Teacher Marc at Reg, na nagpinta ng mural sa buong wall ng classroom para siguraduhing sa bawat pagpasok ng mga bata ay may naka ambang magpaalala sa kanila, na napakakulay ng buhay, na “pumasok ka anak” huwag kang matakot!

 

Ang mga Napadpad naman sa Mandaluyong,

Nariyan ang pag titrain at coach nina Teacher Kar, Kara, Karis at Bernie ng quiz bowl, spelling bowl, at kung ano-ano pang bowl.

Tuwing may programa, halos sila na photographer, organizer, cleaner.

Pati turon making, monggo making ay pinatulan din nila.

 

Mandaluyong

Ang istorya nina Teacher Clarice, Ace, Trishia, Nikka at Dave na nagbibigay ng halos buwanang training sa mga guro, magulang at kabataan patungkol sa pinansyal, livelihood, mountain climbing, zumba at kung ano-ano pa.

 

Dumako naman tayo sa Marikina

Nariyan sina Teacher Vita, Renard, Janel, Jerlyn (ako po yun) at Anj.

Ang mga tao sa kumunidad kung saan sila nagtuturo ay maghilig sa pare-parehong pangalan. Ang tatay ay Denis, ang anak ay Denis, at ang estudyante namin ay nagngangalang DENIS!

 

Marikina

Sina Teacher Trisha, Vince, Castan, sila ang ultimate TRIO. Bugbog na ata sa salitang Pakikisama. Hindi biro ang pakisamahan ang humigit kumulang dalawang daang bata pati ang kanilang mga magulang.  Na hindi ata nauubusan ng reklamo, at lagi nalang hinihintay na magkamali tayo. Ngunit nagawa nila ito sa loob ng dalawang taon, hindi dahil kailangan, ngunit dahil pinili nila ito para sa kapakanan ng napakaraming batang pinagkatiwala sa kanila ng mga pangarap.

 

Marikina

Teacher Ched, Mara, Shy na kumakapit sa mga katagang…

Ang apat na sulok ng silid-aralan ay isang lugar para sa pagbabahagi ng kaalaman kung saan hindi lamang ang mag-aaral ang humaharap sa matinding hamon, kung hindi pati na rin ang mga guro na nagnanais na lalong  maging mahusay sa kanililang larangan

 

Marikina

Teacher Jaime, Mel, Ands, Shiela at, Cha, ang pagtuturo nila ay parang mountain climbing, napakahirap umakyat dahil hindi ka naman sila sanay sa ganoong klase ng buhay, minsan ay napakahirap ng daan patungo sa summit, gaya ng pakikiusap sa mga magulang at estudyanteng pumasok. Pero ni minsan, hindi sila bumaba ng bundok, nagpatuloy sila sa pag-akyat. Kaya ngayong gabi, nagtagumpay sila sa pag-akyat sa summit ng fellowship na ito.

 

Napunta sila sa Fishing Capital- Navotas

Nariyan sina Teacher Ohne, Kash, Kevin at Lacey.  Ilang parte ng sahod kaya nila ang nailaan para lang maibili ng libro ang mga batang nangangailangan. Pagbasa ang kanilang tinutukan ,sa pamamagitan ng kanilang Dream-Read Project. NAriyan ang pagkukwento ni teacher Nico ng Papel de Liha habang kumekendeng at umaariba sa harap ng 3-Gumamela.

Pagpatak ng alas dose y’ media, Tsaka lang makakapag tanghalian si teacher. Pagkatapos ng anim na oras ay kailangan mag remedial, train, nagtututro ng sayaw, kumakanta, split, cartwheel at kung ano-ano pa. Pagkatapos mag train, sa wakas ay pwede nang siyang magpahinga. Pahinga habang gumagawa ng lesson plan, item analysis, nag checheck ng papel, SF1,SF2,LIS, Nutritional status, o gumagawa ng visual aid.

Sinong maysabing walang forever? Sa pagiging teacher, may FOREVER.

Forever pagod, puyat, nagbabasa, nagsusulat, ngunit forever ka ring mahal ng bata, hanggang sa lumaki siya. Dahil nag iwan ka nang malaking marka sa paghubog ng pagkatao niya.

Hindi sapat ang limang minutong speech sa dalawang taong pinagdaanan natin. Ngunit sapat na ang maiparating natin sa lahat ng nandito, na sa halip na sumuko, sa kabila ng lahat ng hirap ay pinili nating ituloy ang hamon ng dalawang taong pagtuturo sa public school.

Saksi ang bawat magulang sa pinagdaanan ng bawat fellow. Kayo ang dahilan kung bakit kami nandito. Pinaliguan, pinalaki, inaruga, pinag-aral sa magagandang eskwelahan. Kayo po ang huwaran kung paano kami natutung magmahal at magsilbi. Ang PAGMAMAHAL ay salita lang, pero kayo ang tunay na kahulugan mga magulang. Ngayon, kami naman ang naging kahulugan ng PAGMAMAHAL sa mga batang aming tinuruan.

Hindi lahat nabibigyan ng pagkakataong makapagturo sa pambublikong paaralan.  Higit sa pagkakataong magturo, nabigyan tayo ng pagkakataong maging parte ng napakaraming buhay, parte ng pagbabago ng batang hikahos, non-reader, magulang na kailangan ng mala bangin kalalim na encouragement. Napakaswerete natin, napakarami nating natutunan. Higit sa mga estudyante natin, tayo ang natuto sa aral ng buhay. Nabigyan tayo ng pagkakataong maibahagi ang ating talento sa iba’t–ibang larangan. At sa bawat hakbang na tatahakin natin pagkatapos nito, alalahanin natin lahat ng mabubuti nating naibahagi sa kanila. Na minsan sa buhay natin ay nagging guro tayo. Isang karangalan Teach for the Philippines ang maging parte ng organisasyong ito.

Maligayang bati sa lahat ng magsisipagtapos ngayong gabi at sa lahat ng mga taong tumulong upang maisakatuuparan ang dalawang taong fellowship na ito. Legal nap o nating pag-aari ang mga tablet. Magandang Gabi.

 

‘Cher Jerlyn Rabaca delivered the Graduation Speech on behalf of the 2014 Cohort.  A graduate of Sultan Kudarat State University, ‘Cher Jerlyn taught for 2 years in Malanday Elementary School in Marikina City.